WARNING: Harsh itu.

———

From the opening moments of #kusina, na-amaze ako sa color and texture ng pelikula.

Yun ang first and last moment ng amazement ko for the next 2 hours, diyos na mahabagin.

I was even so ready to like it huh. Iba raw ang take eh. May Judy Ann Santos pa. Winner dapat di ba? May aspirations kasi ang movie, may gustong ma-achieve. Kaso hindi naabot. Waaaay hindi naabot. Yung parang EDSA Baclaran ang aspiration pero nasa EDSA GMA-Kamuning ang reality mo.

Harsh ba? O sige tawad, EDSA Santolan. Tama na yun, wag nang humirit, mas harsh pa ang review ng iba kong friends.

Indie na Theater on Film na Family Saga na Food Porn na Soap Opera Melodrama. Ambisyoso much? May feeling ako na may intention ang movie to mark itself as An. Important. Film. Hindi siya bumenta sa akin.

Ewan ko kung anong magic poknat realism kemerot ang gusto nilang i-project na sa opening sequence. Imagine, sumilip si Older Juday sa kusina where may babaeng nakabukaka sa ibabaw ng dining table na ligid ng sitaw at puso ng saging habang ipinanganganak ang baby na si Juday rin before pumasok ang isang batang Juday pa rin na galing palengke.

Huh?!! Balikukuin natin ang Time/Space continuum, why not?

Actually nakeri ko pa iyon dahil medyo nakahabol ako sa gustong maachieve ng eksena. Ang ikinabother ko, akala ko si Michael V na naka-mujer yung mother na nanganganak. At nung nag-extreme close up, ayyy may 5 o’clock shadow si mother! Hindi nakapag-ahit bago na-deds na may puso ng saging sa may ulo. Kaloka.

Si father naman inapply ang natutunan niya sa kursong Basic Distant Fatherhood 101 sa isang 1950’s School for Bad Acting.

After that, it was a series of awkward to awful to headscratching WTF moments of staging.

Ginamit ng filmmaker na device na ilahad ang kwento as a play, taking advantage of storytelling liberties allowed for plays pero hindi naman niya napangatawan yung ibang aspeto ng teatro. And coming on the heels of another theater-on-film opus na “Anino sa Likod ng Buwan”, fail na fail ang isang ito.

While “Anino…” succeeded in giving a sense na the whole movie was shot as one continuous take, kinebs na ito ng “Kusina”. Though sinubukan rin nilang gumamit ng fade in -fade out lighting to seamlessly denote transition in time, sa umpisa lang nila ito in-effort. Later on they didn’t even bother with the seams. Deadma na lang, basta putol, next scene! Kebs na sa continuity at transition ng ilaw, damit at props.

– nagpapaturo magluto si batang Juday magluto pero kailangan raw matuto muna siyang magsaing. PAK! Marunong nang magsaing si batang Juday sa isang iglap!
– Nalagyan ng uling sa mukha si batang Juday. Pinaghilamos siya ni lola. Pagbalik ni batang Juday sa table, hindi lang tanggal ang uling sa fez, pak na pak pa ang muk-ap.
– Bakel nang bakel si lola Gloria Sevilla sa linya niya. Sa teatro bawal magbakel. Dapat pinaretake ito dahil presented as a play nga ito de ba?

For the sake of the movie, dapat siguro maaga pa lang pinalitaw na si Juday dahil while Juday carried the rest of the movie, dusa sa boring yung loooong sequences waiting for the young Judays to grow up.

Isang clever bit of casting yung pagpili ng isang Piolo-looking na binatilyo to play jowa to the dalagitang Juday. And when the actual adult Juday appears, sino ang lumabas na jowa? Joem Bascon, Piolong-singsarap pero di singmahal.

Chaka-chakahin ko man yung movie, hindi ko mapupulaan ang performance ni Juday. Hindi niya tinipid ang emotions. At dama mo yung passion ng character niya sa pagluluto… at sa paglafang ng luto niya kayagusto kong bigyang ng award ang butones ng costume niya for keeping it together maski gusto na niyang bumigay at any monument puputok na siya, Charot.

Basta. Matatanggap mo kung bakit ayos lang na nasa kusina lang ang character ni Juday sa buong buhay niya. At kapag bumukal na ang luha, huwell… *sniff

Saka yung eksena where Lola Gloria finally cooks her pakbet, declares na “pagod na ako” and walks out. We all knew na mamamatay na siya. Yun siguro ang bukod tanging effecting trasition device na napanood ko sa movie’ng ito…. *sniff

Sadly, hindi porke nakakapagpaiyak eh maganda na yung pelikula. Naiyak ako, pero hindi ako nagandahan dahil sa mga butas ng kwento at lapses sa storytelling at staging.

Imagine, may eksena where nagyakap across the table sina Juday at Luis Alandy bilang best friend ni Joem. Without any sign of transition, basedlang sa dialogue nagdyugdyugan na pala sila at nabuntis pa si Juday! Saan nabuntis si Juday, sa siko?!!!

Hay naku lerd, talaga! This movie is in dire need of some good creative stage direction!

At yung lalaking lumabas bilang binatilyong anak ni Juday, bakit pang-uncle na ang taas ng hairline. Nung umaakting tuloy na parang, ang effect parang may sayad lang ng slight.

Sa bandang dulo ng movie may eksena na magsishake hands sina Luis at Joem. Sa interaction nila, akala ko maglalapchukan na sila. At base sa nervous titter sa audience, hindi lang ako ang nakaramdam nito. Bakit parang mas may sexual tension between Luis and Joem kesa between either of them and Juday? Sila yata ang dapat nagkatuluyan eh.

Pero ang nagpabitiw sa akin sa movie ay yung ending VO laying on empty platitudes na kesyo inialay raw ni Juday ang buhay niya at ikunulong ang sarili sa loob ng kusina para alagaan ang mga mahal niya sa buhay.

Hello?!!!! Wag ka nga diyan!!! Dinedma dedma kaya ng character ni Juday yung bunso niyang anak na dapat minahal at inalagaan niya. Iniyakan niya lang nung patay na para may bonggang break down scene siya. Maleh!!!

Isa pang maling choice. Yung character ni Luis na mabait at mahal siya dinedma-dedma rin lang niya. Ang hinabul-habol niya eh yung bad-acting na emotionally distant na tatay niya, yung jowa niyang si Joem na umiwan sa kanya at yung panganay nyang babaeng sinusutil siya. Yung hindi siya mahal, yun ang minamahal niya, kaya ang moral of the lesson, ang mga ulol, hinahabol, pag mabait ka, mamatay ka sa dedma. What a wonderful message di ba?

Charot.

Advertisements