For my second #mmff2016 movie, dumayo pa ako ng Uptown Mall sa Taguig dahil sa #jowaduties. Balak namin mag-back-to-back ng mga mmff2016 box-office underdogs after ng work niya kaso hindi siya pinayagang maghalf day ng amo niya at ayaw niyang ma-terminate.

 

Ayyy very DH lang pala ang peg!

 

How appropriate sa pinanood ko nang solo flight na #sundaybeautyqueen. Ito yung docu tungkol sa mga DH sa HK na iba pa dun sa Die Beautiful, paglilinaw lang. Marami raw nagkamali sa pagbili ng ticket… pero hindi ko sila jina-judge huh.

 

Hikhikhik. Hikhikhik.

 

Promise hindi ko ko sila jinajudge.

 

Hikhikhik. Hikhikhik.

 

Bwahahahah. Ano ito SunDie Beautiful Queen? SunDie Beautiful Queen sa Septic Tank? Saving Sally The SunDie Beautiful Queen from Seklusyon in the Septic Tank? Bwahahah! Charot!

 

Ahem. Sorry naman.

 

Anyways, trailer pa lang naiyak na ako dito sa SBQ so may certain expectations na ako. At nakakanood na ako ng ganitong docu, yung sisimulan ka sa tawatawa, lightlight, tapos boom, Social ills! Trahedya! Heartbreak! Alam ko na yan. Emotionally prepared na ako diyan.

 

Ayun, in three minutes care na ako sa subject nila, 5 minutes kinukorot na dibdib ko, 10 minutes emotional roller coaster na ako na hindi ko mawari na di ko alam kung mangingiti ako na na maaawa na magagalit na manliliit. Pohtangina Baby Ruth Villarama, all the feels teh, all the feels. Di ko keri. Mabuti na lang malambot yung seats sa Uptown Mall in fairness  dahil parang lugaw ako pagkatapos. Tinunaw ako ng SBQ emotionally.

 

Hindi melodrama lacrimosa humanda kayo at paiiyakin namin kayo type of docu ang SBQ. Most of the subjects nga try not to cry oncam. They try to put on a strong smiling facade. Alam mo na. Filipino eh. Ganun talaga tayo eh, present a happy facade, pero mababaw ang luha, konting kutkot lang at ayan na ang waterworks. Pero bawal ang ugly cry, dapat try pa ring mag-smile through it all. Jaclyn Jose ang peg. Eh yun ang anlakas makawasak di ba?

 

It works rin na nakakuha si Direk ng subjects na gregarious, yung kayang magverbalize ng feelings beyond “ok lang”. Saka yung hindi self-conscious, pa-shy effect sa camera. Well I guess since mga beauconeras nga sila, bet nila ang limelight, fully made-up and  in all  OOTD-ready glory.

 

Familiar na tayo sa kanila. Nakita na natin sila sa sidewalk ng downtown HK at Singapore pag linggo, yung mga OCW na parang sinubukan lahat ng colors present sa makeup kit nila at parang nagdecide for that day na isuot lahat ng damit nilang may animal print, tiger, leopard, zebra, salaguinto. Ganun.

 

But somehow sa lente ni direk Baby Ruth, anggganda nila. Hunggaganda nila. Huli sa ngiti nila yung inner joy habang rumarampa sila sa beaucon. Huli yung moment. Minahal ko sila. Bet ko rin yung sa subtitle na “he” ang pronoun na gamit kay Leo, yung kuya-tungs na organizer. Gender sensivity. Maski na sa kanya, isa siyang “lez”, siya ang daddy and for all intents and purposes, “he” nga siya. Bet ko rin na while sa audio dinig yung cringe-worthy na sagot ng mga contestants sa Q and A na let’s admit ay isinasali natin sa lahat ng beaucon pang-aliw, the subtitle tries to present a more sensible translation to the answers thus providing a certain dignity that the constestants responses.

 

And then there were the stories, all told matter of factly. Hindi na rin ito bago sa atin. We’ve heard them all before, inapi ng amo, inalila, pinagmalupitan. Pero yung pagkakakwento parang ayun lang, kailangan nilang lunukin, so nilulunok pait and all. Tapos ngingiti. Kasi nga ganun ang Pinoy, magtitiis, ngingiti.

 

Maski na pag yung mababait na employers ang naiinterview, hindi ko makuhang magflag-wave at pinoy-pride kember. Maski na sinasabi nung isang employer na if ever there comes a time na biglang magstop ang Pinas magpadala ng DH to the world, the whole western civilization might crumble, waley. SA gitna ng shots ng nagtatayugan mga buildings nanliliit ako. Ewan ko. The women in HK are doing us proud, helping our economy, representing the Philippines in almost all countries in the world, pero nanliliit ako.

 

Yung mga eksena na nakalatag ng banig yung mga DH sa kahabaan ng overpass at underpass. Anlakas maka-iskwating. Yung parang bitbit nila yung third world sa HK. Bigla ko tuloy naaalala yung signage na nakita ko dati, “No dogs and Filipinos allowed”. Putang ina di ba? Saka Yung eksenang nagrerehearse sila sa kalye, yung may pafiesta spread sila sa ibabaw ng plantbox sa harap ng building.

 

Pero masaya sila. Or somewhat masaya sila. Or nagsasaya sila doon, inspite of what they will have to return to sa work. Pero nanliliit ako. Hindi ako nanliliit for them. Bilib ako sa kanila, saludo ako. Survivors. Survivors with a smile. Beaten, bloodied, pero nakakangiti pa rin. Nanliliit ako dahil nakukuha kong magreklamo sa buhay ko when i have it good here. Hindi ko kailangang iwan ang pamilya ko, lumunok ng pride o  gumimik ng kung ano para kumita. Nanlilit ako kasi mas MAS sila kaysa sa akin. Mas matibay, mas malakas, mas matapang.

 

May joke nga ako na bakit ang Brazil na dukhang third world rin, ang export sa mundo models, tayo DH. It feels like less of a joke now. Pwede ring badge of pride siguro. Sila nagpapadala ng kalaro sa party, sa magazine, sa kama. Tayo nagpapadala ng magpapalaki at mag-aaruga sa anak nila. Who matters most in the long run now, aber? Pak.

 

Paabot ngang tisyu.

 

Advertisements