#ilawod is Dan Villegas’s first venture into the horror genre so syempre must see yan, trailers unseen.

 

So when we got the chance to see Ilawod ahead of the crowd, aba’y gogogo, kumakaway pa!

 

Wala lang naman, kasabay lang naman naming nanood sina Kuya Ian Veneracion at Ate Iza Calzado! Kuya at Ate raw o!  Yung upuan namin, dapat makakatabi namin ang showbiz friend ng bayan Nadia Montenegro. Kaso hindi yata siya dumating so si Gerald Anderson ang nakatabi namin. Nakakinis. Looking forward pa naman akong makita si Nadia.

 

Charooooooot!

 

Pero  in fairness ha, meron palang very vocal fan base sina Iza at Ian. Magkadikit lang yung dalawa sa screen, nagtitilian na sila sa kilig. Kaso maski sa mga eksena na hindi sila dapat kiligin, kinikilig ang mga potah. Ansarap pagkukurutin ng plais ang mga singit.

 

Balik na tayo sa movie. So ano ba yung “ilawod”?

 

Rain gutter?  Alulod yun.

 

Sobrang pagod, hindi na makalakad? Hilahod yun.

 

Musical ni Meryl Streep? Into the Woods yun.

 

Sa movie, ilawod is supposedly a water elemental from the downward stream na nangunguha ng kaluluwa. Ang truliling look nito ay burado ang eyes, my pangil and waterproof black lipstick. Not a good look. Pero for seduction purposes it takes the form of a fragile-looking nymphet na laging wet-look ang buhok, forever naka-kamison, at on fleek ang kilay. I’m serious. Mag-ingat sa enkantong ayos na ayos ang kilay…. nakamamatay.

 

Alam na alam natin ito, lalo na yung mahilig mag-arkila ng jeep pang gora out of town para mag-picnic sa tabi ng natural bodies of water. Laging may kwidaw dahil hep-hep, bawal magbabad sa batis, ilog , lawa, parts ng beach at sa dagat hanggat wala pang nakukuhang alay  ang said body of water. Alay as in life given or taken as tribute to the gods with a small letter “g”. May mga spot talagang especially known sa local na nangunguha ng alay regularly. I don’t particularly believe in these kind of superstitions pero ako, pag sinabi ng lokal na wititit pang kinukuha abe eh sa gilid gilid lang muna ako. Mabuti na rin namang sure.

 

Sa kwento,  Papa Ian V play a news service reporter na ang beat the supernatural. Though siya supposedly ang nagpioneer ng beat na yun, witchikels na niya bet ang beat. Boring na raw ang mga kwento ng mga sinasapian ng maligno and all. Mas bet niyang magpalipat sa Malacañang beat kunsaan mas exciting dahil mas supernatural ang mga pagyayari, at mas powerful  ang mga maligno dahil elected sila ng taumbayan.

 

Anyways sa latest assignment niya, gumora si Ian sa isang liblib na pook. Encantos love their liblib na pook. Mayroon raw unlucky villager na sinapian ng ilawod in the woods na hilahod na sa pagod. (See what i did there? Bwahahah)

 

Inabutan nila ang arbularyo na tinatawas or what ever si unlucky villager so watch siya while sidekick Epy Quizon plays paparazzi to the mumus. In the process of tawasization, aba, nakipag eye-to-eye ang baklang ilawod kay Papa Ian, and she liked what she saw yata. Hindi ko naman siya masisi dun. I would have done the same thing kung ako yung ilawod. Nakakasawa nang mangpossess ng mga farmers na amoy kalabaw day in-day out. May karapatan rin namang magmaka-choosy ang ilawod di ba?

 

So post-haste, post-haste daw o!, exit frame si ilawod kay unlucky villager and unbeknownst to all, nagpatake-home ang pokpok na ilawod kay Ian. Buma-Valkyrie lang ang peg ng kiring ilawod no? Basta ma-bet-an , join!

 

From the waters of the liblib na pook, natransplant si ilawod sa  tinitirhan ni Ian na upscale highrise condo na may infinity pool na malinis. How convinient! Imagine kung sa low-end tenement sa tabi ng SLEX nakatira si Ian. Namatay agad sa alikabok at pagkatuyo ang ilawod for sure. Or sa Ilaya sa Tondo malapit sa Divisoria. May body of water nga pero it’s kanal na burak na so baho and so dirty. Mandidiri ang ilawod at gora back na lang siya liblib na pook sa piling ng kanyang farmers. Tapos ang  movie.

 

Pero nga as it turned out, yung infinity pool ang ginawang tambayan ng ilawod kungsaan niya nakita, nakikay at nakulimbat ang boylet na anakis ni Ian. Hala!!! As  in ‘hala’ in its various meanings! Charot.

 

And the ilawod started to wreak its horrors!

 

Ooooooh di ba?

 

Material-wise, bet ko yung paggamit nila ng  local folklore as basis sa pag-create ng specific supernatural creature. Medyo nanipisan lang ako sa mythology na hinabi nila for their monster like ano ang motivation ng monster to get tribute, historical attacks through the years, age-old practices ng villagers to appease the elemental. Ganung stuff.

 

Nasayangan ako dun sa manang character na simpleng taga-alaga lang ang role. She  could easily have been a good device to provide  folkloric knowledge to help the embattled family or at least add heft sa story. Since siya yung laging kasama ng mga bata, she could have easily have sensed na may mali and used asin for protection or something whether it works or not.

 

Gusto ko yung itinali nila ang supernatural tale with coming of age na parang around the world ay isang phenomenon achullee. The Exorcist o The Haunting of Emily Rose o The Conjuring ang peg. Very vulnerable raw ang mga young adults sa supernatural elements, kaya ng ako ingat na ingat eh. Mahirap raw mapossess ng elemental, nakakasira ng skin.

 

Speaking of young adults, nabother ako sa portrayal ng sexuality ng ng mga bagets dito….but bothered in a positive way. Typically kasi, pag ang artista mo eh nasa mid-teens,  puro kasweetan o pagka-angstsy ang portrayal. O kaya pagka-brat. Hanggang doon lang, tapos bigla, buntis. Dito, hung-overt ng sexuality na pina-ooze kay Teri Malvar. Kita mo na intention yun ng director, to may you squirm and feel uncomfortable. Hindi ito basta kirititay-katuray. Hindi ito variation ng landitay-lanturay-harot. This is lust… that goes beyond sexual. Eto yung Dan Villegas na hinahanap ko.

 

Performance-wise, wala akong mapupulaan. As the central character, strong ang presence ni Papa Ian which sets a solid foundation sa rest of the cast. At may natural chemistry sila ni Iza na wala akong nararamdamang selos. Bagay sila eh, magig-give-way ako. Charot. As usual Iza again turns in solid performance especially yung controlled breakdown niya  nung napanood niya kung paano nadeds ang bonakis niya sa as caught by the CCTV, kita ko yung pain.

 

Side Note: Yung CCTV sequence very reminiscent nung  nagviral na CCTV footage ni Eliza Lam sa loob ng elevator before siya mag-disappear at eventually madiscover, drowned sa watertank ng building. Creepy.

 

Epi Quizon also turned it a solid performance pero somehow hindi ko naramdaman na fully integrated yung character niya sa universe nina Ian at Iza. Para lang siyang plot device na ginawang tao to help Ian’s character along. Naisip ko nga noong una baka multo na lang si Epi at si Ian lang ang nakakakita until yung eksena na nakikita rin pala siya ng security guard ng funeraria.

 

Keri rin ang acting ni Xyriel Manabat as the traumatized younger sisteret. Usually iritado ako sa roles na ganito dahil pinplay sila as PA-cute at PA-helpless. Take note yung prefix na PA denoting na hindi ko binibili yang pa-cute at pa helpless act na yan. Si Xyriel napamukha namang organic ang pagkatakot at pagkatrauma. Ipagpatuloy mo yan gurl.

 

As the boylet na hinarot-harot ng ilawod to the grave, Harvey Bautista is a find. Keri lang ang acting, nothing spectacular, pero may charm yung bagets na pang-matinee idol. Hihintayin ko siya. Pero wag niyon ipaalam sa tatay niyang mayor ha? Ayokong magsuot ng orange na may “P” sa likod.

 

And there’s Teri Malvar na, at 16, eh nakakatakot ang pinakitang ng sensuality. If Seklusyon has Rhedd Bustamante, Ilawod has Teri, yung frighteningly good young actor na magdududa ka na kung totoo bang bata o maliit na tao lang.

 

Bawas-bawasan lang sa make-up at coiffure hane? Exotic ang ganda mo ‘ne, wag mong kulapulan ng make-up. Napanood ko na si Teri sa Sakaling Hindi Makarating. May eye shadow siya while playing a young girl sa kasulok-sulukan ng Batanes. NO! Dito, lumang elemental ka sa probinsya pero may dark eyeliner ka at on fleek ang kilay mo.NO Talaga.

 

First horror film ito ni Dan (first name basis na kami maski hindi niya ako kilala). He hasn’t found his footing in the genre at parang unsure pa siya sa gusto niyang sabihin dito.  I will also forgive him for trying out several worn out scare tactics in the books, go lang, try them out.

 

Enough with the ever-present scary scoring  ha Dan? Alam naman naming horror yung pinasok namin, no need to underline it forever.. Mula simula, talaga may foreboding score lagi sa  background?  Yung characters tuloy parang laging takot or laging nage-expect na may tatakot sa kanya.

 

Bet ko yung eksenang kumakain ang family tapos sinabi ni girl-child na bet niyang maging presidente, sagot ni Ian “mag-artista ka muna”. Laftir much. Kaso isa lang ito sa dalawa lang yatang truly light-hearted moment. Nakalimutan ko pa yung other one. The rest, bigat-bigatan ang fright-frightan na.Hindi ba pwedeng maglakad sa loob ng bahay na hindi natatakot? Bakit palaging mabigat, hindi pwedeng sumaya?

 

The movie tried to give equal horror exposure sa apat na miyembro ng pamilya ni Ian, which I think kinda hurt the movie. Chrew, may chemistry si Ian and screen wife Iza Calzado as evidenced ng mga kumikiwal na fans, pero I think the movie would have been better served had they focused sa haunting ni Ian and the son played by Harvey Bautista instead.  Si Ian kasi yung nagka-earn ng ire ng ilawod pero si Harvey ang siningil, very sins of the father are visited upon the son. Antindi nang philosophical kembot nun kung bubusisiin. For a mother, seeing her family disintegrate is horror enough, kaya nang iidya ni Iza yun.

 

Although andami kong nahanash, keribels naman yung movie, the scare tactics worked dahil tilian naman ng tilian ang crowd. Fan lang siguro ako kaya naghahanap ako ng more. Willing naman ako to wait.

 

Advertisements