O mga beks, bago pa ako umispluk nang bongga, bottomline, maganda itong #imdrunkiloveyou so habulin niyo na sa mga natitirang sinehan bago maglaho.

 

Habulin niyo na, now na, para pag pag nagkwentuhan ng magagandang pinoy film eh hindi kayo lost. At wag niyo masabi-sabing “maganda nga raw, sayang hindi ko napanood, saan ba palabas?”, tatampalin ko kayo. Kung kaya niyong mag-google ng porn, kaya niyong magoogle kung saang sine pa ito showing. Go! Mamaya na kayo magbasa. Pagbalik niyo nandito pa rin ako.

 

 


 

O napanood niyo na? Maganda davah!  Punyeta lang, ansakit sa dibdib paglabas no?  Sorry hindi ko sinabi sa inyo kaagad. Damay-damay lang. Bwahahahah.

 

Buti na lang may pabutterball ang produ paglabas ng sine, no?

 

Aamin na ako. Jinudge ko yung pelikula bilang another self-important millennial angst project on the basis of the trailer. Bukod sa paggawa ng review, kaya ko lang siya pinanood eh dahil excited ang jowang kong millennial. As in kineber niya ang Arrival ni Amy Adams in favor IDILY. Ganung level. Mabuti na lang nakikinig ako kay jowa paminsan-minsan.  Bwahaha.

 

Pero bago yung movie proper, can we talk about Angelito first? Ito yung shortfilm na nakaangkas sa IDILY na parang teaser/prequel for the General Luna sequel, Goyo.

 

Nampotah de ba?!

 

Nabalitaan ko nga na may short film nga raw na kasama na parang continuation ng General Luna. Ang expectation ko, excerpt  lang ang mapapanood ko. Patikim baga ng kung anong footages na ang nashoot na nila for Goyo.

 

Oh nonononononono!

 

Fully realized na shortfilm ang Angelito with a clear beginning, middle and end. Nagulat ako sa reaction ko na seeing Alex Medina, Art Acuna and Aaron Villaflor in character . It felt like seeing old friends na gusto mong malaman kung ano na ang nangyari sa kanila lately.

 

Much as i love me some Alex Medina, hotter si Art Acuña here i swear. Basta. Saka anlakas ng hampas ng litanya niya about Aguinaldo and blind adulation of his followers which smacks of present day realities. Parang may tinutumbok. Bullseye!

 

I saw what you did there Jerrold. Gujab!

 

Gwapo at magaling rin yung bagets ng gumanap na Angelito na hindi ko maresearch ang namesung. Sana lang may evolution yung characterization of the fictional Joven. Parang titing supot eh. Given, may specific purpose si Joven to stand in for the uninformed youth of today, pero as a character, after ng mga nakita at pinagdaanan niya, parang imposibleng manatili siyang neutral. Neutralized. Neutered.

 

Kung ang objective ng Angelito is to keep the fire of interest in Goyo burning, achieve na achieve nila.  Cant wait for 2018 when Goyo is released.  Nagtabi na ako P500. P250 sa unang panood sa sine tapos another P250 dahil malamang papanoorin ko siya ulit.

 

By the end of the shortfilm, willing na nga akong magdagdag ng bayad para  ituloy na lang nila yung shortfilm hanggang Goyo the Movie. Nakalimutan ko na yung original na papanoorin namin. Mabuti na lang maganda rin ang I’m Drunk, I Love You dahil otherwise pagsisisihan ng filmmakers  na pumayag sila sa back-to-back screening na ito dahil sobrang agaw-eksena.

 

So ano ba itong I’m Drunk, I Love You?  Well obviously isang pelikula ito na puno ng paglaklak. At naganap ang masigabong laklakan sa isang La Union beachfront songfest weekend. Walang habas na laklak.Pagod sa roadtrip, laklak muna. Nagising the next morning, magmumog ng beer. Gimik sa maghapon, LLWW, Laklak While Walking.

 

Bilang isang non-drinker, wala akong amor sa mga taong sobra makalaklak nor sa mga kagagahang ginagawa nila pag nakalaklak na. Where others may wax nostalgic about their own younger alcohol-bingeing days, ang naiisip ko lang ay, sige ituloy niyo yan, sisingilin kayo ng atay niyo pagdating ng araw.

 

Wala rin akong amor sa mga bagets na todong maka-inom habang palamunin pa ng mga parents. De ba, sana lang tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihithit mo ang sigarilyo mo, habang nilulustay moa ng perang piandala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong huwag kainin para lang makapagpadala ng malaking pera dito!!!

 

Sorry. sinapian lang ni Ate Vi for a moment. Charot.

 

Pero, given my prejudices, aba naenjoy ko pa rin ang movie. Obvious naman sa mga reviews ko that i love my well-made romcoms. Huwell, this is a well-made non-romcom. Oo non-romcom ito maski na all the elements are there. Ang overly perky, supermasa, todo sa relatability’ng leading lady. Check. Infact double check dahil todotodo  ang ibinigay ni Maja Salvador  na nag-enroll  pa yata sa Antoinette Jadaone Finishing School for Perky Leading Ladies.

 

Meron ring uber yummy leading man that can make have to palit your panty-shield not once not twice but three time, courtesy of Paolo Avelino na- –spoiler alert–   may bagong paligo in a low-waisted tuwalya scene. Sherep!!!

 

At of course ang di dapat mawala ang importanteng gay best friend played by Dominic Roco dahil maganda pag may bakla, masaya pag may bakla, dapat may bakla maski hindi bakla ang nagplay ng bakla.

 

Ang sitner, seven years nang mag-college best friends si Paulo at Maja at gagagraduate na sila that weekend. Ang wititit knowsline ni Pau, seven years a slave na rin pala sa pagsintang pururot sa kanya si Maja at dapat sana kasabay ng paggraduate ni girlina sa college eh gagraduate na rin siya sa deadend love non-affair with Pau.

 

Kaso nag-aya si Pau ng one last road trip dun nga sa aforementioned  beachfront songfest sa La Union.  Sino ba naman ang hihindi pag si Pau ang nag-aya de ba? Saka beach, songfest, sunset. Romance! Baka ito the yung moment. Hopia springs eternal.

 

So gora sa beach, laklak sa beach, moment sa beach, tapos boom. may merlat palang kakatagpuin si Pau kaya nag-aya sa La Union.

 

Unyeta, hala, laklak pa more!

 

Pero this outing will be different dahil eto na nga lang ang last punggol na chance ng Maja para malaman kung may kahihinatnan ang pagwawater niya kay Pau for seven years. So gamit ang lakas ng loob na dulot ng pinagsanib-sanib na pwersa ng alkohol, bagnet, selos at desperation, naibulalas ni Maja ang matagal na niyang kinikimkim.

 

Na sana kimninkim na lang niya.

 

Aray.

 

Ansakit kasi true na true malamang sa halos lahat sa atin in some moment in our life.

 

Yung friend na bet na bet mong maging more than friend sana kaso nauna nang tawagin kang ate o kuya so awkward na malaman niyang achulee bet mong ma-touch ang petenggoy niya.

 

Yung friend na parang pwede kaso mas pinahalagahan mo yung friendship na ultimately nauwi rin sa wala dahil nagdrift apart kayo at hindi mo man lang siya natikman.

 

Yung friend na sa dalaw mong magparamdam, parang multo ka na, pero ‘tol pa rin ang tawag sa iyo at lost pa rin ang charms mo.

 

Yung friend na finally sinabihan mo ng ‘i love you’ at ang natanggap mo ay, ‘thank you’.

 

Tanginerns.

 

Its hurt meyn, its hurt.

 

What i like about this movie is that though the script is clever, hindi siya matabil. Sure, may quotable quotes pa rin which is important para maging memorable ang isang movie pero wititit hanash nang hanash ang mga characters.

 

Wisely, direk JP Habac also used silence to punctuate scene more effectively than words can. At finally nakatagpo ako ng  local movie that actually uses its soundtrack to move the story along. More than just heightening the cinematic emotion, minsan yung lyrics ng kinakanta sa movie ang nagkukwento ng kaganapan ng eksena. The songs are so intergral to the storytelling that it is practically another character in the movie. Galeng!

 

Performance-wise hindi mo masasabing nagkimkim pa ng emosyon si Maja Salvador. Kung ano ang supposely nararamdaman niya, nandun on the wide screen in full glory, nakabukaka.

 

Gusto ko rin na though regulation supportive gay bff ang role ni Dominic, may sarili siyang buhay and character niya dito.

 

At si Paulo Avelino, di mo maitatanggi, may cinematic presence ang otoko. Of course mahalaga sa akin na may eksenang nakatapis lang siya ng tuwalya, pero even sa mga eksena ng wala namang ganap at may suot siya eh papanoorin mo pa rin si Pau.Bet ko rin na naitawid niya ng maayos yung mga eksenang nagpeperform siya as a singer. Keri.

 

I also like na maski na co-prod ni Pau ang IDILY, hindi siya nagdemand ng dramatic moment for his character. Hindi ito vanity project ng isang artistang may extra cash. May feeling akong naniniwala si Pau sa importansiya ng indie films and he is willing to put his money where his mouth is.

 

Malay mo Pau might turned out to be a local Matt Damon na artista pero may Green Light project na tumutulong sa mga nag-uupisang filmmakers. Who knows?

 

Pero bago yan, abangan ko muna siya sa Goyo.

Advertisements